Benta

Sa buong buhay ko hindi pa ako nakakapagbenta online.

Nakikita ko lang yung ate ko nagbebenta ng mga cookies at mga ganon pero hanggang abot-abot lang ako sa courier. Yung bunso naman namin puro virtual mga ka-transaksyon umaabot siya sa MMORPG, Crypto, at kung ano-ano pa! Hindi ko nga alam kung papaano gumagana yun eh.

Ako naman, hindi ko pa nasusubukan makapag-transact sa ibang tao na hindi pamilya ko o mga malapit na kaibigan ko.

Natatakot kasi ako makipag-usap sa ibang tao eh. Gusto ko kasi lagi malinis at mabilis yung mga transaksyon at ayoko ng madaming ikot-ikot. Kinakabahan kasi ako baka magtanong o magrequest yung mga tao na hindi ko naman kayang ibigay. Ayoko rin kasi ng konprontasyon.

Pero, alam ko na kailangan ko tanggalin yung takot na to. Hindi rin kasi bumabagay sakin na natatakot ako dahil mabibigo ko lang yung mga naka-transaksyon ko. Hindi ako ganon at alam ko yun.

Kaya naman nagdesisyon ako sa kaligitnaan ng Oktubre sa isang mabagyong araw na magbebenta ako ng isang bagay online. Wala na akong paki kong alin pa man mabebenta ko. Basta’t ang laman ng utak ko, kailangan ko magbenta kahit anuman yan.

Maliban sa kailangan ko ng pera pambulsa, mas gusto ko tanggalin yung takot ng pagbebenta at pagsusubok ng bagong hobby o activity.

Kaya’t pumasok sa Facebook Marketplace, kasama ang mga nakahandng litrato at mga kailangan ko sabihin sa deskripsyon. Kasabay na rin ang lakas ng pagtibok ng puso, pinindot ko ang listing. Binuksan ko yung notepad ko at dahan-dahan kong linagay at tinype yung mga hinanda kong salita na kinopya ko lang naman sa iba atsaka ako nagpost.

Nung nakita ko yung listing ko, napaka-malaking ginhawa ang bumuhos sa katawan ko. Ang laki ng nawalang bigat at sama ng loob bitbit ng maraming taon. Napangiti ako na ako sa harapan ng screen para bang gago. Pero sa loob ko alam ko na umapak ako ng pa-abante nung araw na yon.

Nang makalipas ng 15 days, marami na akong listing na nakalagay pero wala pa rin bumibili. Nakalulungkot pero natutuwa ako. Natutuwa ako kasi hindi ko kailangan kumausap ng tao. Ginawa ko na kailangan ko gawin kaya naging kampante na ko.

Pero nung gabi na yun, may nag-message at gustong nilang bilhin yung libro na nakalagay sa listing ko!

Nung nakita kong lumabas siya sa messenger, yung puso ko para bang nalaglag. Ayoko siya tingnan. Nakatunganga ako ng mga ilang minuto nagdadalawang isip kung rereplyan ko na ba. Tumingin ako sa orasan at nakita ko na 11PM na pala.

Pumasok sa isip ko na bukas na lang! Siguro hindi naman siya magtataka kung hindi ako nag-reply ngayon. Siguro iisipin niya na tulog na ko! Ito ang naging mga naging rason ko na itulak yung pagsusubok na kailangan ko hamunin.

Tumayo ako sa kinauupuan ko at naglakad-lakad ako sa buong bahay habang kinakagat ko ang mga kuko ng daliri ko. Hindi ako makapakali at napapaisip ako kung gagawin ko na ba talaga to. Nung pumasok sa isip ko na tanggihan ko na lang siya, tumalon ako sa kama at pinilit ko na lang matulog.

Kinabukasan ng umaga, ito na. Kailangan ko na talaga siyang kausapin. Binuksan ko yung laptop ko at sinulat ko yung mga sasabihin ko nung gabi pa lang. Pinindot ko yung send atsaka ko kaagad sinara yung laptop ko.

Bago ko pa man to isara, nagreply kaagad. Fuck.

Nataranta ako at hindi ko alam gagawin ko. Tinawag ko ate ko para gabayan niya ako. Siya kasi may experience sa mga ganito at kailangan ko magpaturo sa kanya. Wala na akong paki kung nakakahiya magtanong sa maliit na bagay na to, pero ayoko lang masira yung transaksyon dahil sa kabobohan ko.

Makalipas ng mga ilang oras at sa gabay ng kapatid ko, nasanay na ko sa nerbyos at unting-unti nawawala yung kaba at pagduda sa sarili ko. Makalipas ulit ng ilang minuto nagawa na ang transaksyon.

Sobrang saya ko. Nakapag-benta na ko online! Maliit man siya at para bang walang nakuhang kita. Ang importante sakin nabenta ko siya. Masarap sa pakiramdam na natalo mo yung mga mental demons mo ng kabataan mo na nakakaapekto ng pagkatanda mo.

Haay… Hindi naman pala siya nakakatakot. Nakatira lang talaga ako sa utak ko na iniisip ko na nakakatakot siya. Masyado ko kasing iniisip yung mga senaryo na hindi naman talaga mangyayari.

Ganong lang naman pala siya kasimple. Kung tinuruan sana ako na ganito lang pala kasimple edi sana lagi ko na siya ginagawa. Masaya siya. Masayang masaya talaga. Gusto ko na tuloy magdagdag na pwedeng mabenta para lang makuha yung high na yon ulit.

Leave a comment